Yuck You’re So Bastos! - Ang Anatomiya ng Kabastusan
Paano nga ba nagiging bastos ang isang salitang tinuturing na bastos? Ilan sa mga personal kong obserbsyon ukol sa pagiging "bastos" ng isang salita ay ang mga sumusunod:
- Hindi ito ginagamit sa pangkaraniwan at pang-araw-araw na usapan.
- Hindi ito karaniwang naririnig mula sa mga magulang.
- Gamitin man ito sa harap ng mga magulang, ikagagalit ng mga magulang ang paggamit ng salita per se — nang hindi ipinapaliwanag ang wastong paggamit ng salitang iyon.
- Hindi rin ito ginagamit sa pagtuturo ng sekswalidad. Ang mga salitang ginagamit ay puro paliguy-ligoy o pahaging lamang, at hindi ang tiyak na pantukoy. (Halimbawa, ang salitang "ari" ay kung isasalin sa Inggles ay "genitals." Ang "ari ng lalaki" ay sasalin sa "male genitals" at hindi sa salitang "penis".)
- Una itong naririnig o natututunan sa pamamagitan ng mga biro (madalas pa, sa malalaswang biro).
Marahil dahilan na rin sa ating kultura ang puno’t dulo ng pagiging bastos at balbal ang turing sa mga salitang tumutukoy sa sekswalidad. Subalit dahil hindi tayo makahanap ng tiyak at walang-paliguy-ligoy na pamalit sa mga naturang salita, isa lang ang aking obserbasyon; sa kulturang Pinoy, ang pagtatalakay at pagbibigkas ng kahit anong ukol sa sekswalidad ay kabastusan.
No wonder sexual education is such a major problem for us. We can’t even speak about sexuality in our own language without feeling guilt or disgust!
Maaari ding indikasyon ito ng kawalan ng respeto sa sariling wika. May mga kakilala akong natatawa kapag nakikita ang mga karatula ng MMDA sa wikang Filipino. Anong katuwa-tuwa doon?
Ayaw kong maliitin ang sarili kong wika, lalo pa’t dati akong manunulat sa wikang iyon. Hindi ko pinigilan ang paggamit ng mga salitang iyon sa forum na aking mino-moderate. Sa aking paniniwala, kapag iyon ay ginawa ko, sumasang-ayon ako sa pag-iisip ng marami na bastos ang sarili kong wika.