Noong nakaraang taon mayroong isang paksa na tinalakay sa intranet forums ng PNB ukol sa pagmi-migrate sa ibang bansa. Doon, napakaraming tao ang nagsiwalat ng kanilang kanaisang makapunta at manirahan sa Estados Unidos bilang imigrante. Ito ang aking naging tugon, na inaasahan kong hindi sasang-ayunan ng higit sa nakararami…
================
Iginugol ng aking lolo at lola (mga magulang ng aking ama) ang kanilang buong buhay sa mithiing maipadala sa Estados Unidos ang kanilang apat na anak.
Nagtagumpay sila sa tatlo maliban sa aking ama. Maraming beses tinangka ng aking ama na dalhin kami sa US, subalit ang naging pangunahing suliranin ay ang aking ina. Hindi nila malaman kung bakit sa dinami-dami ng consul na hinarap at karami-raming papeles na inayos ng aking ina ay lagi pa rin siyang itinatanggi (denied) ng consul.
Isang guro ang aking ina sa Unibersidad ng Santo Tomas noon, at mayroon namang naghihintay na trabaho sa kanya sa isang hayskul sa New York. Dahil dito, naiwan ang aming pamilya dito sa Pilipinas sa isang panahong puno ng kawalang-kasiguruhan; noong mga huling taon ng rehimeng Marcos.
Lubos na nanghinayang ang aming mga kamag-anak noon, lalo na ang aking ama, sapagkat iniisip nilang napakalaking kawalan ang kabiguang makapunta sa Estados Unidos. Wala na kasing pag-asa ang Pilipinas.
Iyan lang ang laging bukambibig ng karamihan.
Lumipas ang mga taon. Hindi man nakalipad ang aking ina sa Estados Unidos, bumusilak naman ang kanyang karir: nalipat siya sa Pamantasang De La Salle, naging Pangalawang Dekano (Associate/Vice-Dean) doon, natamo niya ang kanyang PhD, nakaikot siya sa Pilipinas bilang tagapagsalita sa iba’t ibang lektyur at seminar. Mula noong gitna ng dekada nobenta, marami siyang narating na lugar; ang Japan, Hong Kong at Austria ay iilan lamang. Ilang beses din siyang nakapagbalik-balik sa iba’t-ibang bahagi ng Estados Unidos (maging sa East coast, West coast at Hawaii), minsan upang magbakasyon, pero kadalasa’y upang magsaliksik o umatend sa conference.
Marahil iniisip ng iba na lahat ito’y nagawa niya sapagkat may salapi, subalit iyan ay hindi totoo. Ang aking ina ay ipinanganak at lumaki sa Tondo, hindi kalayuan sa Divisoria, at naulila sa ama noong siya’y nasa hayskul. Nakakuha siya ng mga iskolarsyip sa UST upang makapagtapos ng Batsilyer sa Edukasyon, at noo’y iniisip niyang magiging guro lamang siya sa pampublikong paaralan. Subalit sa pamamagitan ng sipag at tiyaga, at dedikasyon sa kanyang propesyon, siya’y nakaangat sa buhay.
Lahat ito’y nangyayari samantalang ang isa sa aking mga tiya’y nahirapan nang husto sa pamamalagi sa Estados Unidos. Nakakukuha man siya ng trabaho’y hirap siya sa pagtustos sa pagpapalaki ng aking limang pinsan. Ang iba ko namang tiyo’t tiya’y nakaangat sa karir, subalit masyado namang nakahiligan ang mahjong at casino. Ang aking lolo’t lola’y lumipad doon sa pagtatapos ng dekada otsyenta, at doon na sila inabutan ng karamdaman at nahimlay, kamakailan lamang.
Ngayon, ang isa sa mga isyung tinatalakay ng aking ama at ng kanyang mga kapatid ay ang pagbebenta ng mga lupang pagmamay-ari ng aking lola (pabahay ng gobyerno noon sa mga guro, sapagkat guro din ang aking lola). Tinatalakay nila kung paano paghahati-hatian ang salaping makukuha sa pagbenta ng lupang iyon, at paano ito ipadadala sa Amerika.
Kakatawanan, sapagkat maliit na property lamang ang pinaguusapan na hindi hihigit ang halaga sa ilang libong dolyar lamang.
Saan kayo nakarinig ng pamilyang nagre-remit ng pera papuntang Estados Unidos?
Maraming beses sa ating buhay, ang nakikita lamang natin ay ang mga hirap na ating dinadanas, samantalang hindi natin kinikilala ang mga biyayang ating naitatanggap. Napakarami na akong naririnig na taong nagsasabing "kawawa naman kami, hand-to-mouth existence ang buhay dito sa Pilipinas. Kaya gusto na namin mag-migrate sa States." Ngunit kapag ika’y pumunta sa kanilang tahanan, ang makikita mo’y isa o higit pang kotse, mga kasangkapang mamahalin, at mga kagamitang hindi naman kailangan. Maging ang mga taga-skwater dito sa Maynila ay mayroong cellphone, karaoke, at DVD player. Iyan ba ang tinatawag na hand-to-mouth existence?
Binibigyan tayo ng Panginoong Diyos ng maraming pagkakataon sa ating buhay, sa mga paraang hindi natin naiisip o nakikilala. Mapalad ang aking ina sapagkat taglay niya ang kakayahan na kilalanin ang mga bagay na kaya niyang gawin dito sa Pilipinas, imbis na magreklamo sa mga bagay na gusto niya sanang gawin pero hindi niya magawa dito.
Nais kong tularan ang aking ina. Tulad niya, kung saan ko natagpuan ang aking sariling nakadapa sa kahirapan, doon ako babangon at magtatagumpay.
Dito ako sa lalaban sa Pilipinas.